"Dalawangpu't isang taon ng parang paulit-ulit na araw ng buhay ko, walang kwenta, walang kulay, walang bago."
Nawala ako, tumakbo na parang hindi na mapapagod, nagtago na parang hindi na mahahanap, naduwag na parang hindi na lalaban ulit, nang iwan na parang wala nang babalikan, umiyak ng mga luhang parang hindi na mauuubos, sumigaw sa boses na parang hindi na mapapaos, at hinanap ang sarili sa parang nawawalang AKO.
Nawala ako, sa mundo na parang sila lang ang nagpapatakbo, sa buhay na parang sila lang ang kumokontrol, sa hiningang parang sila lang ang nagbibigay, sa oras na parang sila lang ang nagpapatakbo, sa lugar na parang sila lang, at sa kanila na parang walang AKO.
Nawala ako, pakiramdam na parang nababaliw, emosyong parang laging sasabog, damdaming parang laging nagsusumamo, pusong parang laging kumikirot, dugong parang hindi na dadaloy, at manhid na sana'y parang AKO.
AKO, nawala sa direksyong dapat tahakin, nawala sa dapat na sabi nila'y kailanagn, nawala sa kailangan na idinidikta lang, nawala sa idinidikta na ipinipilit ng iba na dapat, at nawala sa iba upang mahanap ang AKO.
Natagpuan ko na lang ang sarili kong nagsusumbong sa dagat, kinakausap ang hangin, pumupukol sa kawalan, niyayakap ang alon, pinakikiramdaman ang buhangin, at kinakaibigan ang kalangitan.
Ayaw ko nang huminto sa pagtakbo, hindi muna ako lalaban, naduduwag ako! Ayaw ko nang magpakita at ayaw ko nang bumalik, gusto kong makalimot, gusto kong kalimutan! Iiyak at sisigaw na lang ako. Nawala ako,...at nawawala parin AKO.
PAHABOL...
( alay ko to sa tatlong tao na higit na nakakaunawa sa lahat ng mga nakasulat dito,... kay pasa, kay ben, at kay frind.. mahal ko kayo)
No comments:
Post a Comment